Tumayo bilang punong Tagatusta si Pedro Guzman. Sa kauna-unahang pagkakataon, naranasan ni Pedro ang humawak sa isang pagpupulong ng mga Tagatusta at pinatunayan niyang karapat-dapat siya sa tungkuling iniatas sa kaniya. Inilahad niya ang hirap na dinanas niya noon sa Kolehiyo dahil hindi siya ganoon kabisa sa pagbigkas ng Wikang Filipino. Subalit pinagsikapan niyang matutunan ang sariling wika sa pamamagitan ng kanyang pagsali sa Filipinong pahayagan sa kanyang paaralan at mula noo'y naging dalubhasa na siya sa pagsasalita at pagsusulat sa Filipino.
Nagkaroon ng maliit na problema sa kainang Jade Vine dahil hindi nabigyan ng wastong silid ang mga taga-Maharlika kung kaya't nagkasya na lamang ang mga kasapi nito sa pagpupulong sa maingay at magulong pasilyo ng kainan. Pinangunahan ni Gng. Ibiang Gapido ang talakayan bilang tagapamahala ng mga Munting Paksa. Tumawag siya ng dalawang kasapi sa pagtitipon para sa kanyang mga tanong tungkol pa rin sa wikang Filipino.
Naging napakahaba rin ng gabi para sa Maharlika dahil sa dami ng mga nagtalumpati.
Ipinakita ni Tagatustang Renzon na may kakayahan siyang magtalumpati sa harap ng mga tao sa pamamagitan ng paghahayag ng kwento ng kanyang buhay.
Sumunod kay Renzon ay si Gng. Ai de Guzman na tinalakay ang pagkahumaling ng kanyang kabiyak sa paglalaro ng bidyo. sinundan naman siya ni Bb. Kai Alix na nagtalumpati tungkol sa pagiging maayos sa pananamit maging sa mga lalake o mga babae. Nilinaw ni Kai na hindi mo kailangang maging modelo upang magbihis ng wasto. Ito ang ika-walong talumpati ni Kai na nalalapit na ang pagtatapos bilang Mahusay na Tagatalumpati (Competent Communicator). Muling nagbalik si Pedro at nagbigay rin ng kaniyang ika-walong talumpati. Ipinahayag naman niya kung paano makapagbibigay ng tamang paglalahad ng isang kalagayang pananalapi.
Sinimulan naman ni Erika ang pagtatalumpati ng mga Pasulong na Tagatusta (Advanced Communicator). Inilahad niya ang Ekonomiya ayon kay Erika at ang talumpating ito ay kasali sa mga talumpati ukol sa pagpapatawa. Hindi naman nabigo si Erika dahil sa patuloy na paghalakhak ng mga kasapi ng Maharlika lalong-lalo na noong binanggit niya ang pagtulog sa silid-aklatan ng kanyang paaralan.
Pinuri naman ni Gng. Ibiang si Gng. Ferlin sa kanyang talumpati. Bagamat wala si Ferlin sa pagpupulong, ramdam ng mga taga-Maharlika kung gaano kaalab ang paghanga at pagmamahal ni Ibiang sa kanyang kaibigan.
Nagisa naman ng husto si Gobernor Ed nang pagtulungan siyang itusta nina Aida, ng inyong lingkod, at Pangulong Mely. Sinimulan ni Gng. Aida ang pagbabalik-tanaw sa pagluluto ni Ed noon para sa Maharlika. Ako naman ay nagpasaring sa umano'y pagiging lapitin ng mga babae ng nakaraang pangulo ng Maharlika. Ganoon din si Bb. Mely na bukod sa pagpuna sa mga umano'y napupusuan ni Ed, ay nagpasalamat din sa pagiging mahusay na guro para sa kanya at maihanda ang sarili para sa kaniyang pagkapangulo.
Umabot sa mahigit tatlong oras ang pagpupulong dahil sa dami ng mga nagtalumpati. Nagkaroon din ng iba't-ibang tungkulin na magkasabay ang bawat kasapi ng Maharlika. Maging ang baguhang si Renzon ay nabigyan din ng isa pang tungkulin sa pagbibilang ng mga nakakatawang mga kataga mula sa mga nagtalumpati.
Sa kabuuan, umuwing nakangiti ang mga kasapi ng Maharlika. Napatunayan ng lahat na mas mahirap ang paggamit ng wikang Filipino lalo na sa mga pagtatalumpati.
Pindutin ang mga larawang maliit upang makita ang mas malaking larawan. Magustuhan ninyo sana ang pagtingin! Salamat sa muling pagbalik ni January sa ating pagpupulong maging si Marah, kahit panandalian lamang ang kanyang pakikipagtipon sa atin. Harinawa'y makipiling pa natin ang ibang mga kasapi sa susunod na pagpupulong para sa mas masayang gabi.
No comments:
Post a Comment